Anó kayâ ang mga sinabi ng dalawáng káluluwáng yaón sa pamamagitan ng pangungusap ng mga matá na lalong ganáp pa kaysá pangungusap ng mga labì, wikang kaloób sa kaluluwá upáng dî magambalà ng tinig ang simbuyó ng damdamin? Kapág sa mga sandalíng yaó'y ang pag-iisip ng dalawáng maligayang magsing-ibig ay nagkákaunawaan sa mga titig na naglalagós sa kaní-kaniláng mga balintatáw, ang pangungusap ay mabagal, magaspáng, waláng siglá. Ang pangungusap ay tila isáng baháw at paós na ugong ng kulóg na kasunód ng mabilís na kidlát; nagpápahayag ng isáng damdaming kilalá na, ng isáng ísipang nababatíd na, at kung kayâ lamang ginágamit ay sapagká't ang pithayà ng pusong namámayani sa buóng katauhá't nag-uumapaw sa ligaya ay nagnanais na ang buóng pagkataong kalangkáp ng mga kakayahán ng katawá't kaisipán ay makapagparinig ng túlain ng kasáyahang inaawit ng káluluwá. Sa magiliw na pagtatanóng ng isáng titig na nagníningníng o nangúngulimlím ay waláng máitutugón ang wikà - ang makasásagót lamang ay ang ngitî, ang halík o ang buntunghininga.
José Rizal, Noli Me Tangere









